barò at sáya

literature, publication, Filipino, Tagalog

Bago pa dumating ang mga dayuhang Español, ang barò at sáya na ang maituturing na pambayang kasuotan ng mga Filipina. Ang salitâng baro na henerikong tawag sa pang-itaas na kasuotan ng mga katutubo ay laganap sa buong kapuluan bago pa man dumating ang mananakop. Bado ito sa mga Ilokano samantalang bayo naman sa Kabisayaan. Ang saya naman ay ang maluwang na pang-ibabang kasuotan.

Ang baro at saya ay may apat na bahagi: ang kamísa o maikling blusang may manggas na halos kawangis ng isang bestido; ang alampáy o balabal na ipinapatong sa kamisa; ang saya o paldang mahabà na kalimita’y hanggang sakong; at ang tápis o kapirasong telang ipinapatong sa saya.

Nang lumaon, isinantabi na ang alampay dahil nakagagambala ito sa paggalaw. Nawala rin ang tapis at naging mas payak ang saya. Natira na lang ang dalawang pirasong kasuotan na di nagtagal ay pinag-isa. Para sa mas pormal na okasyon, nabuo ang iisang pirasong kasuotan na may pinatayong manggas na kahalintulad ng mga pakpak ng paruparo. Ito ang tinatawag na térno.

Dahil sa Amerikanisasyon, nawala sa uso ang mga terno. Ngunit muling pinasikat ito ng dating Unang Ginang Imelda Marcos na nakilala sa pagsusuot na magagarang terno na ipinasasadya pa niya sa mga batikang tagadisenyo ng damit. (JCN)

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: barò at sáya. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/baro-at-saya/