Barláan at Jósaphát
literature, publication, Filipino, Tagalog
Isang panulukang bato sa larangan ng panitikan at wikang Filipino ang Barláan at Jósaphát na unang nalathala noong 1708. Ang buong pamagat ng aklat ay Aral na tunay na totoong pag aacay sa tauo, nang manga cabanalang gaua nang manga maloualhating santos na si Barlaan ni Josafat na ipinalaman sa sulat ni S. Juan Damaceno na salin sa Tagalog ni Fray Antonio de Borja at inilathala ng La compania de Jesus. Mayroon itong 553 na pahina. Noong 2003 muli itong nailathala kasáma ng modernisadong bersiyon ang orihinal na Tagalog na inedit ni Virgilio Almario sa layuning maipaunawa ito sa kasalukuyang henerasyon.
Hango ang aklat sa isang napakapopular na kuwento ng kabanalan noong Edad Midyibal sa Europa. Maraming bersiyon ito, bagaman sinasabing pinakamatanda ang natagpuan sa Georgia. Tungkol ito sa kumbersiyon ng isang prinsipe sa India, si Josaphat, na ikinulong sa isang palasyo at binigyan ng lahat ng layaw ng amang hari dahil sa tákot na maganap ang hula na magiging isang Kristiyano ang anak at magiging higit na makapangyarihan kaysa kaniya. Ngunit nalungkot sa gitna ng mga layaw si Josaphat, nag-isip lumabas sa palasyo, at nang makalabas ay nakatagpo ng mga kinatawan ng paghihirap, sakit, katandaan, at kamatayan. Lalong naguluhan ang isip ng prinsipe. Sa kabilang dako, kinausap ng Langit si Barlaan, isang ermitanyo at inatasang tulungan si Josaphat. Sa tulong ng Langit, nakapasok sa palasyo si Barlaan at naaralan sa Kristiyanismo si Josaphat Naganap ang hula at sa dulo’y sumuko ang hari sa karunungan ng anak.
Kapag sinuri, malilinawang ang istorya ni Josaphat ay hango sa buhay ni Gautama Buddha. Ngunit pinaniwalaan itong totoo noon kayâ napasáma pang matagal sa kalendaryo ng mga tunay na santo at santang Kristiyano ang pangalan nina Barlaan at Josaphat. agradong kuwentong Buddhista na isinalin sa Latin at Español mulang Griego. Nagtataglay ang teksto ng mga halagahin para sa pagwaksi sa kamangmangan at kamangmangan na kinakatawan ng kuwento nina Barlaan at Josaphat. Isang mohon ang salin nitó sa wikang Tagalog ni Fray de Borja dahil ito ang una, bukod sa pinakamahabàng kathang isinalin sa katutubong wika ng Filipinas. Para sa mga misyonero, napakagandang dokumento ang katha dahil sa pamamagitan ng mga aral ni Barlaan ay para na ring binása ang Bibliya na hindi ipinababása noon sa karaniwang tao.
Itinuturing din ni Almario na importante ang salin da-hil napatunayan nitó ang antas ng kakayahan ng wikang Tagalog. Sa pamamagitan ng salin, napatunayan ang kakayahan ang Tagalog na magamit para sa sopistikadong paksaing panrelihiyon at pampolitika. Taliwas sa naging komentaryo ng mga fraile sa panahon ng pagkakalathala ng akda na tanging pinahalagahan ang husay ng tagasalin at binalewala ang kakayahan ng katutubong wika. (WFF)