barkílyos
food, pastry, cooking,
Ang barkílyos (mula sa Español na barquillos) ay pagkain na kahawig ng apa na nakabilot upang maghugis túbo, at karaniwan ay gadaliri ang laki at iksi. May mga barkilyos din na mas malaki at mas mahabà. May barkilyos na manipis ang balát at madalîng madurog; mayroong makapal at kaylutong kagatin. Gawa ito sa arina, gatas, at asukal. Tinatawag din itong wafer roll sa labas ng bansa. Hindi basta-basta ang paggawa ng barkilyos, dahil kailangan ng tinatawag na wafer iron, o barkilyéra, na panghulma ng arina. Iniluluto ito hanggang maging kulay kayumanggi at inirorolyo hábang mainit pa.
May mga barkílyos na may dagdag lasa, tulad ng ube at pandan. Kapag sinisidlan ng pulbos ng pulburon, ang tawag na dito ay barkirón (mula sa barquiron/barqueron).
Puwedeng kainin ang barkilyos nang walang kasabay na ibang pagkain, at masarap din itong ipareha sa ice cream o sawsawang matamis na tulad ng tsokolate. Kadalasang nakikita ang barkilyos sa mga palengke at bilihan ng pasalubong. Kalat ito sa buong bansa, ngunit kilalá ang Iloilo bilang mahusay na pagawaan nitó. Pinakamainam kainin ang barkilyos kapag kakabili, dahil nagiging makunat ito sa pagtagal ng panahon. (PKJ)