barílya
Ang barílya (mula sa Español na barilla o maliit na bára) ang itinuturing na kaunaunahang baryang ginawa sa Filipinas sa ilalim ng pamamalakad ng mga Español.
Nakamarka sa bawat barilya ang eskudo o coat of arms ng Lungsod Maynila. Ang mga unang barilya ay gawa sa magaspang na tanso at may tinatayang halagang katumbas ng isang sentimo. Manipis at maliit din ang barilya kompara sa mga kasalukuyang barya.
Noong 1766, lumabas ang mga barily- ang kalahati ang laki ng mga nauna at gawa sa tumbaga. Nang nagsimulang mamunò ni Reyna Isabela II, nagsimula ring magkaroon ng pagawaan ng barya sa Maynila. Sinasabi namang nagmula sa barilla ang katawagang barya dahil na rin sa binibigkas ng mga Filipino ang doble ele bilang Y. Ilan sa mga kilaláng halimbawa ng mga barilya ay ang Sampaloc Barilla, na inihulma mula sa tingga at may kakaibang hugis. Natagpuan ang mga ito malapit sa isang ilog sa Laguna. Ang 1766 Barilla naman ay may maayos na pagkakamarka ng tore ng kastilyo at merlion sa barya. (MJCT)