baratílyo
Ang baratílyo ay alin-mang murang paninda. Nagmula ang salitâng ito sa Español na baratillo, diminutibong anyo ng baráto, na nangangahulugang
- segunda mano
- tindahan ng mga gamit na mabibili sa murang halaga. Nanggaling din dito ang salitâng barát, na ikinakapit naman sa mga táong napakahilig tumawad kapag bumibili o walang patumangga kung humingi ng diskuwento.
Likas lámang marahil sa sinumang mamimili ang maakit sa mga diskuwentong ibinibigay ng mga mangangalakal upang mapansin ng mga namimili. Ang salitang “baratilyo,” kung gayon, ay dáting naging pantawag-pansin sa mga tindahan upang ipahayag sa mga mamimili na mura ang mga bilihin dito ngunit hindi mumurahin. Ngunit sa ngayon, hindi na halos naririnig ang salitâng ito. Sa mga kabataan ng ngangayuning henerasyon, mas kilalá ang Ingles na salitâng “sale” o “bargain sale” na makikita araw-araw sa mga mall at department store. Hindi na “baratilyo” kundi “50% off” ang pantawag ng pansin ng mga mamimili.
Napalitan na rin ang baratilyo ng konsepto ng “úkay-úkay,” na tindahang katatagpuan ng mga múra at segun da manong damit, sapatos, at bag, na kadalasang mula sa ibang bansa, at mabibili sa napakamurang halaga. (AEB)