bárang

folklore, beliefs, witchcraft

Isang salitâng Sebwano ang bárang at tumutukoy sa lahat ng masamâng karunungan at pangkukulam. Tinatawag na mambabárang ang tao na nagtataglay ng kapangyarihang ito. Singkahulugan nitó sa Siquijor ang haplit, paktol, at anyaw. May alagang kulisap ang mambabarang at ginagamit ito sa kaniyang biktima. Sari-sari na ang kuwento hinggil sa kapangyarihan ng mambabarang at ikinokom-para sa mahika negra at mga mahiwaga’t mapaminsalang kulto sa mundo.

Itinatago diumano ng mambabarang ang alagang uwang, ipis, alupihan, o gamugamo sa isang bote o biyas ng kawayan at pinakakain ng ugat ng luya. Kapag may nais parusahan, nagsasagawa ng ritwal at panalangin ang mambabarang at sakâ binubulungan ng mga utos ang alaga. Pinupuntahan ng alaga ang bibiktimahin at pinapasok ang katawan nitó sa pamamagitan ng ilong, bibig, tainga, puwit, at iba pang bútas, kasáma na ang sugat. Mararamdaman ng biktima ang pananalakay alinsunod sa pinasok na bahagi ng katawan. Malubhang pananakit ng ulo kung pinasok sa tainga, almoranas kung sa puwit, balinguyngoy kung sa ilong, at iba pang karamdaman. Hindi ito nagagamot ng doktor, maaaring ikabaliw at ikamatay ng biktima, at nawawala lámang kapag umalis ang insekto.

May nagsasabi na ang isang gamot sa bárang ay humanap ng arbularyo na may katapat na kapangyarihan. Kapag nagtagumpay, ipinadadanas din sa mambabarang ang sakit na ginawa niya sa kaniyang biktima hanggang sumuko ito at pauwiin ang alaga. (RRSC)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: bárang. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/barang/