barakúda

Philippine Fauna, aquatic animals, fish

Ang isdang bara-kúda ay kabilang sa pamilya Sphyraeni-dae. Tinatawag din itong torsílyo at na-ninirahan sa tropiko at sub-tropikong bahagi sa mga karagatang Atlantiko, Indian, at Pacifico.

Ang katawan ng barakuda ay pahabâ. May malaking bibig ito na ang ibabâng panga ay nakausli paitaas at may matitibay na ngipin. Buo ang tagilirang linya sa katawan. Ang posisyon ng palikpik sa pektoral ay medyo mababà at ang mga palikpik sa likod ay magkalayô. Ang unang palikpik sa likod ay may limang tinik samantalang ang ikalawang palikpik ay may isang tinik at siyam na malalambot na rayo.

Maraming uri ng barakuda at dalawa sa mga ito ay ang Sphyraena barracuda at Sphyraena jello. Ang Sphyraena barracuda ay may dobleng palikpik sa buntot na ang dulo ay mapusyaw ang kulay at kadalasan ay may mga nakakalat na itim na batik sa ibabâng gilid. Ang ibabaw ng ulo sa pagitan ng dalawang matá ay pikpik at malukong. Ang karaniwang laki ay 140 sm at ang pinakamahabàng naitalâ ay 200 sm samantalang ang pinakamabigat ay 50 kilo. Ang Sphyraena jello naman ay may mga itim na guhit na nakakrus sa tagilirang linya ng katawan at ang bawat guhit ay nakahilig ang kalahating nása itaas at ang kalahating nása ibabâ ay nakatayô. Kulay dilaw ang palikpik sa buntot. Ang karaniwang laki ay 120 sm at ang pinakama-habàng naitalâ ay 150 sm samantalang ang pinakamabigat ay 11.5 kilo.

Ang barakuda ay matatagpuan malapit sa mga lawa, bakawan, bahura, estuwaryo, at malawak na karagatan. Aktibo sa araw at malimit na nag-iisa bagama’t ang mga batàng barakuda ay sáma-sámang lumalangoy. Matakaw ito at kumakain ng mga isda, pusit, at hipon. Nahuhúli sa pamamagitan ng lambat o bingwit, ito ay ibinebenta nang sariwa, inilagay sa yelo, o tuyong inasnan. Naibalita na may mga táong inatake na ng barakuda at naiulat din na ang malalaki nitó ay maaaring nagtataglay ng lason na kung tawagin ay ciguatoxin. (MA)

Cite this article as: barakúda. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/barakuda/