Julian Arca Banzon
(25 Marso 1908–14 Setyembre 1988)
Pambansang Alagad ng Agham, si Julian Arca Ban- zon (Hul·yán Ár·ka Bán·zon) ang kauna-unahang siyentistang nagsagawa ng pananaliksik at pagsubok upang pagkunan ng alternatibong panggatong ang bunga ng niyog. Matagumpay siyáng nakalikha ng ethyl esther mula sa katas ng tubó at niyog. Ang kaniyang pananaliksik at mga natuklasang proseso ay nagpaunlad sa pag-aaral ng kemistri at siyensiya sa pagkain sa Filipinas. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist) noong 1986 bilang pagkilála sa kaniyang ambag sa pagpapaunlad ng agham at teknolohiya ng bansa.
Noong 1937, sinulat niya ang Studies on Coconut Oil: Pyrolysis at Studies on Coconut Oil: Conversion into Solids. Sa pakikipagtulungan kay Dr. Jose Velasco, sinulat niya noong 1982 ang librong The Coconut: Production and Utilization. Ang mga akdang nabanggit ang pinakaunang pag-aaral sa paggamit ng niyog upang pagkunan ng murang pagkain, kemikal, at langis. Ginamit niya ang mga prinsipyo ng kemistri upang mapaunlad at mapabilis ang proseso ng paglikha ng langis.
Bukod sa pagiging imbentor at mananaliksik, si Banzon ay isa ring mahusay na administrador at dalubguro. Siyá ang unang direktor at punòng siyentista ng Philippine Atomic Energy Center. Itinatag rin niya ang Division of Food Science and Technology sa Unibersidad ng Pilipinas, Los Baños noong 1970. Kinilála siyá ng Professional Regulation Commission bilang Chemist of the Year noong 1978. Iginawad rin sa kaniya ang prestihiyosong Distinguished Service Award ng Intergrated Chemists of the Philippines noong 1980.
Isinilang si Banzon sa Balanga, Bataan noong 25 Marso 1908. Siyá ang panganay na anak nina Manuel S. Banzon at Arcadia Arca. Nagtapos siyá ng kursong kemistri sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1930. Isa siyá sa mga pensiyonado ng U.P. na nagtungo sa Estados Unidos upang ipagpatuloy ang mas mataas na pag-aaral. Natapos niya ang kaniyang doktorado sa biyopisikang kemistri sa Iowa State University noong 1940. Bumalik siyá sa bansa matapos ang pag-aaral upang ipagpatuloy ang pagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas hanggang magretiro. Namatay siyá noong 14 Setyembre 1988. (SMP)