banyéra

: household, fishing

Ang banyéra ay isang malaking sisidlan ng tubig na mistulang malaki at malukong na plato. Tradisyonal itong gawa sa yero o aluminyo at ginagamit na labahan, kapalit ng kahoy na batyâ. Ginagamit din itong paliguan. Nagiging kunwa-kunwarian itong swimming pool para sa mga naliligong batà. Ngayon, higit na karaniwang makita sa batalan at tapat ng gripo ang banyerang gawa sa plastik.

Mahalaga ang banyera sa pamilihan ng isda. Sa banyera itinutumpok ang mga nahúling isda ng mga mangingisda upang ilako sa talipapa o pamilihan. Ginagamit na panukat ito sa dami ng isda, tulad ng pariralang “banye-banyerang isda.” Gayunman, sa palengke, mapapansing ang ginagamit na banyera ng isda ay yero, higit na mataas ang dingding, at may bitbitan. (MJCT)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: banyéra. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/banyera/