Bántong

legends, folklore, folk stories, epic heroes

Si Bántong ang isa sa mga tauhan sa Ibalon, isang tulang pasalaysay na ipinalalagay na hango sa sinaunang alamat ng Bikol. Bahagi ito ng mga dokumentong iniwan ni Padre Jose Castaño atisinalaysay diumano ng isang makatang manlalakbay na si Cadugnung. Ang Ibalon ay pinaniniwalaang sinaunang pangalan ng Bikol at isinusulat din itong “Ibalong.”

Tatlo ang bayani sa salaysay: sina Baltog, Handiong, at Bantong. Silá ang nagtatag ngunang pamayanan sa Ibalon at naging tagapagtanggol laban sa mga dambuhalang hayopat nilaláng. Unang tinalakay ang kabayanihan ni Baltog na nang tumanda ay pinalitan ni Handiong. Higit na maraming pakikipagsapalaran si Handiong kayâ itinuturing siyáng pangunahing bayani ng Ibalon. Kaibigan ni Handiong si Bantong at si Bantong ang pumatay sa halimaw na si Rabut.

Si Rabut, isang halimaw na kalahating tao at kalahating hayop, ang naging malaking problema sa Ibalon. Malakas ang kaniyang kapangyarihan at káya niyang gawing bato ang mga tao at pasunurin ang iba pang hayop para salakayin ang bayan. Maraming mandirigma ang sumubok pumatay kay Rabut ngunit naging bato lamang silá. Ginawang misyon ni Bantong ang pagpatay sa halimaw. Kasáma ng iba pang mandirigma, hinanap niya ang tahanan ng halimaw.. Hindi niya agad kinalaban si Rabut at sa halip ay pinag-aralan ang búhay at ugali nitó. Nalaman niyang natutulog ang halimaw kung araw at gising kung gabi. Inabangan ni Bantong ang malalim na pagtulog ni Rabut at sakâ niya sinaksak hanggang mamatay. (CID)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: Bántong. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bantong/