Bansa
Ang bansâ ay teritoryong madalas na nagtataglay ng kasarinlan, mayroong pamahalaan, at isang likhang lipunan ng mga mamamayang binibigkis ng lahi, kasaysayan, wika, at kultura. Sinasabing mula ito sa salitâng Malay na “bangsa.”
Ang teritoryo ang saklaw na lupain ng isang bansa. Maaaring itinalaga ito ng sariling mamamayan o ng mga mananakop sa kasaysayan ng isang bansa. Ang kasarinlan ang kakayahang mabúhay mag-isa ng isang kapisanan, lipunan, o bansa, karaniwan dahil may malayang pamahalaan, sariling kabuhayan, at hindi nakapailalim sa ibangkapisanan, lipunan, o bansa. Bagaman karamihan sa mga bansa ay nagtataglay na ng kasarinlan, may mga teritory- ong itinuturing pa rin na “bansa” kahit hindi ganap na kinikilala ng ibang bansa ang kanilang kasarinlan, tulad ng Taiwan, Palestine, Kosovo, at iba pa. Ang pamahalaan ang makinaryang nangangasiwa o namamahala sa isang bansa sa pamamagitan ng mga institusyong nagpapatupad ng pinakamataas na kapangyarihan sa nasasakupan nitó. Itinuturing itong pampublikong institusyong nagbibigay pagkakataón sa kolektibong organisasyon ng komunidad. Pinopondohan ito ng mga mamamayan sa pamamagitan ng buwis. Ang pamahalaan din ang may eksklusibong pag-aari ng kapangyarihang lehitimo na nagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa sariling teritoryo at nagtatanggol nitó laban sa mga mananakop.
Ang naging teritoryo ng Filipinas ay bunga ng kasaysayan nitó sa ilalim ng pananakop ng mga Español at Americano at ng pagsusumikap ng mamamayan nitóng bumuo ng sariling bansa. Si Ruy Lopez de Villalobos ang nagbinyag ng pangalang “Isla de las Felipinas” sa mga isla ng Samar at Leyte bilang parangal kay Haring Felipe II ng España; mula dito, naging Las Islas Filipinas ang katawagan sa buong kapuluan. Ang mga kilusang patriyotiko at nasyonalista naman mula kina Rizal at Bonifacio hanggang sa matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay masasa- bing naging mahalaga rin sa pagtatalaga at pagtatanggol ng magiging sákop ng pambansang teritoryo. Tinatayang ang Filipinas ngayon ay nása 13° hilaga ng equator at 122° silangan ng meridian; may lawak ang lupain na tinatayang nása 300,000 km kuwadrado, binubuo ng 7,107 pulo; at pagmamay-ari ang kahit anong nása layò na 370km mula sa baybay nitó.
Isang republika ang Filipinas, ibig sabihin, ang sam- bayanan ang may kapangyarihang bumoto at pumilì ng kanilang kinatawan, at pinamumunuan ito ng isang inihalal na pangulo at hindi ng isang hari. Isang pamahalaang demokratiko ang Filipinas, ibig sabihin, ang mga mamamayan ang humahawak ng kapangyarihan sa pamamagitan ng mga kinatawan na pinilì sa malayang halalan at mayroong pagkakapantay ng mga karapatan at pribilehiyo sa lipunan. Sa pamamagitan ng Hukbong Sandatahan, pinananatili ng pamahalaan ng Filipinas ang kapayapaan at kaayusan sa bansa. (KLL)