Bannáwag

publications, Ilocano

Ang Bannáwag ay isang lingguhang magasin na nakalimbag sa wikang Ilokano at malaganap sa Hilagang Luzon. Ang “bannawag” ay salitang Ilokano para sa “liwayway” at isang palatandaan na kapatid itong publikasyon ng naunang magasing Liwayway. Bilang magasin, naglalaman ang Bannawag ng mga akdang pampanitikan—mga maikling kuwento, nobelang tuluyan, tula, komiks, at lathalain—bukod sa mga napapanahong balita at mga sanaysay na nagdudulot ng impormasyon sa iba’t ibang bagay, at bali-balitang pang-artista.

Una itong nailathala noong 3 Nobyembre 1934 sa pamumunò ni Magdaleno Abayo at sa ilalim ng Roces Publications na pagmamay-ari ni Don Ramon Roces (na siya ring tagapaglathala noon ng Graphic Magazine at iba pang mga lingguhang magasing tulad ng Liwayway, Bisaya, at Hiligaynon) . Nagsimulang ibenta ang Bannawag sa halagang PHP 0.10 bawat kopya.

Maituturing ang magasing Bannawag na isa sa mga pundasyon sa pag-usbong ng mga manunulat sa wikang Ilokano at pag-iral ng panitikang Ilokano. Malaki rin ang naging papel ng magasin sa pagkakatatag ng GUMIL Filipinas, ang samahan ng mga manunulat na Ilokano at isa sa mga aktibong samahan ng mga rehiyonal na manunulat sa Filipinas.

Noong taóng 1966, pinalitan ang tagapaglathala ng Bannawag sa pangalang Liwayway Publishing, Inc. nang ipagbili ang Roces Publications kay Brig. Hans Menzi nang magretiro si Don Ramon Roces sa paglalathala. At noong taong 2005, inilipat ang paglalathala ng Bannawag sa Manila Bulletin Publishing Corporation. (MJ)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: Bannáwag. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bannawag/