bánjo

music, musical instruments

Ang bánjo ay isang uri ng de-kuwerdas na instrumentong pangmusika. Bilóg ang katawannitó at karaniwang may limang kuwerdas. Ang apat na kuwerdas ay maaaring iayos para makuha ang nais na tono. Ang pinakaitaas na kuwerdas ay mas mailsi kaysa iba at ginagamit upang makagawa ng tuloy-tuloy na tunog na mababà.

May mga banjo rin na may apat at anim na kuwerdas. Ilan naman sa mga bantog na estilo ng pagtugtog nitó ay ang clawhammer at Scruggs-style bluegrass.

Unang tinugtog ang banjo ng mga aliping Aprikano sa Estados Unidos ilang daang taon na ang nakalilipas. Nagmula ang idea sa paglikha ng banjo mula sa iba pang mga instrumentong pangmusikang Aprikano. Pinaniniwalaang nagmula ang banjo sa mbanza, isang salitang Kimbundu, na tumutukoy sa kawayang patpat para sa leeg ng banjo.

Ilang instrumento ang isináma sa kayarian ng banjo na naging dahilan sa paglikha ng mga instrumentong haybrid. Karaniwan, ginagamit ang katawan ng banjo kasáma ang resonador nitó at ang leeg naman ng ibang instrumento. Ilan sa mga instrumentong ito ay ang banjo-mandolin (banjolin), banjo- ukelele (banjolele) at banjo-sitar (bansitar). Ang mga instrumentong ito ay pangkaraniwang ginagamit ngayon sa pagtugtog ng mga awiting pambayan. (MJCT)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: bánjo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/banjo/