baníg at bayóng

Handicrafts, weaves, basket

Ang baníg ang pinakasikát na produkto mula sa masinsing paglála ng hinimay na dahon ng bulé (o bulí) o pandán (pandanus). Parihabâ, maaaring pang-isahang tao, pandalawahan, o pampamilya ang súkat, at ginagamit na higaan. Ginagamit din itong sapin sa sahig upang maupuan. Mainam na higaan ang baníg dahil nakapagpapanatili ng lamig kahit mainit ang panahon.

Dahil sa makukulay na disenyo ng baníg ng Samal at Badjaw, sinasabing ginagawa sa Filipinas ang pinakamagagandang baníg. Napabantog ang Laminusa, lalo na nang parangalan ang isang manlalála ng baníg dito bilang Manlilikha ng Bayan. Pinakagamitin naman ang baníg mulang Basey, Samar na ginagamitan ng himaymay ng tíkog. Sa Lanao at Cotabato, halamang sésed ang nilalála.

Nilalála din nang masinsin ang bule at pandan bilang sisidlan. Pangunahin dito ang bayóng, isang malalim na sisidlan na may tambal na hawakan sa bibig. Wala itong takip. Nilalagyan ito ng gulay, prutas, at ibang binili sa pamamalengke. Lalagyan ito ng bigas ng mga Tagbanwa. Naglalála din ngayon ng ibang kasangkapan at dekorasyon. May laruang hugis isda o ibon, nakakatulad ng origami sa papel ng mga Hapones, na gawa sa bule o pandan. Nilála ding himaymay ang popular na “sombrerong Baliuag” at ang karaniwang balanggót ng mga magsasaka. (YA)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: baníg at bayóng. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/banig-at-bayong/