bangúngot

nighmare, folklore, beliefs, death

Tinatawag na bangúngot ang pagkamatay ng sinuman hábang natutúlog. Ang salitâ ay nagmula diumano sa “bangon” at “ungol” samantalang may ilan na nagsasabing ang bangungot ay tawag sa isang masamang panaginip. Sa wikang Ingles, tinatawag itong sud-den unusual nocturnal death (SUND). Hanggang sa nakalipas na mga taon, naging isang hiwaga sa larang ng medisina kung paanong nangyayari ang bangungot at ano ang sanhi nitó. Sa mga pag-aaral na medikal ay natagpuan na ang bangungot ay sanhi ng pumutok na lapay ng tao.

Pinaniniwalaan na ang mga lalaki ang kadalasang binabangungot. Iniuugnay rin ang bangungot sa mga táong agad natutúlog matapos kumain nang marami o kayâ’y mga lalaki na nakainom nang marami. Sa mga Ilokano, pinaniniwalaan na ang espiritung si Batibat ang sanhi ng bangungot. Namamatay ang lalaki kapag inupuan siyá ni Batibat malapit sa haliging gawa sa punongkahoy na tirahan ng espiritu. Matabang babae si Batibat na hinihigop ang kaluluwa ng lalaki kapag napatay na niya ito.

Sa mga táong nakaranas ng bangungot, alam niláng gising silá ngunit hindi silá makakilos kahit anong nais niláng gawin. May ilan na nananaginip na nahuhulog silá sa bútas na walang katapusan. Sinasabi naman ng ilang nakasaksi sa mga nabangungot ang pag-ungol ng binabangungot. Upang hindi tuluyang mabungungot ang tao, kinakailangan siyáng gisingin sa pamamagitan ng pagkurot ng mga daliri niya sa paa. Hindi dapat painumin ng tubig ang binangungot. (SJ)

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: bangúngot. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bangungot/