Bangsamóro
Ang Bangsamóro ay tumutukoy sa lunggating kaisahan ng mga Muslim sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao, Palawan, at Sabah. Sa kasalukuyan, pangarap itong maitatag sa mga pook sa Basilan, Cotabato, Davao del Sur, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Maguindanao, Sarangani, South Cotabato, Sultan Kudarat, Sulu, Tawi-Tawi, Zamboanga del Norte, at Zamboanga Sibugay. Mula ito sa salitang Malay na bangsa na ugat ng salitang Filipino na “bansa” at moro na pangkalahatang tawag ng mga Español sa mga Muslim noong panahon ng Reconquista sa España noong siglo 15.
Naging malaking hadlang ang mga pangkating Muslim sa ganap na pagsakop ng mga Español sa Mindanao. Sa kabila ng mga kampanyang militar, hindi lubusang kinilala ng mga lider Muslim ang kapangyarihang Español bukod sa patuloy na panggugulo sa mga pamayanang Kristiyano na naitatag sa maraming pook ng Mindanao. Nagpatuloy ang ganitong kalagayan hanggang sa panahon ng Americano. Isang hiwalay na probinsiyang administratibo ang itinatag para sa mga Muslim at binigyan ng kinatawan ang mga Muslim sa kongreso. Ngunit naging mabigat na trabaho hanggang sa panahon ng Republika ng Filipinas ang integrasyon ng mga Muslim sa bansang Filipino.
Noong dekada 60, nabuo ang ilang grupo ng mga Muslim na laban sa gobyerno ng Filipinas at para sa isang malaya at nakapagsasariling bangsamoro. Pangunahin ang Moro National Liberation Front (MNLF) sa pangunguna ni Nur Misuari, isang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas. Noong 1976, napagkasunduan ng MNLF at ng pamahalaan ang pagkilala sa lupain ng mga Muslim bilang isang rehiyong awtonomo sa ilalim ng MNLF-GRPH Tripoli Agreement. Lumikha ito ng hidwaan sa hanay ng mga sang-ayon at hindi sang-ayon sa kasunduan. Sa bisà ng Konstitusyong 1987, nalikha ang isang awtonomong rehiyon para sa mga Muslim na tinawag na Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM). Noong 1977, tumiwalag sa MNLF ang grupo ni Hashim Salamat at iba pang lider na Muslim at pagdating ng 1984 ay opisyal na itinatag ang Moro Islamic Liberation Front (MILF). Noong Oktubre 2012 napirmahan ang GPH-MILF framework agreement na isang pagkilala ng pamahalaan ng Filipinas sa teritoryo at kapangyarihan ng bagong rehiyong awtonomo ng mga Muslim na tatawaging Bangsamoro. (KLL)