bangkô

handicrafts, woodworks, sculpture, furniture

Tumutukoy ang bangkô sa mahabàng upuan para sa tatlo o higit pang tao at walang sandalan. Ang karaniwang balangkas nitó ay isang palapád at mahabàng piraso ng kahoy (ang pinakaupuan) at apat na maikli’t pabilóg na kahoy na nagsisilbing mga paa at ikinakabit nang magkapares sa magkabilâng dulo ng mahabàng kahoy. Sari-sari ang uri nitó, mula sa mga karaniwang gawa sa kahoy at hang-gang sa may lilok pa’t pampagandang disenyo. Funsiyonal ang bangkô sa pang-araw-araw na búhay, lalo na sa sáma-sámang pamamahinga mula sa trabaho at pagkukuwentuhan kapag nagkakatipon.

Marahil, ang unang bangkô ay isang kaputol na troso o isang nabuwal na punongkahoy. Kinailangang kinisin ang upuan upang higit na maginhawa kapag inupuan at kailangang lagyan ng mga paa upang umangkop sa pisikal na pangangailangan ng umuupô. May bangkô ang mga Ifugaw na ginagamit sa ritwal at bangkô na para lámang sa iginagálang na tao sa komunidad. Kilalá na ngayon sa ibang bansa at tinatangkilik ng mga kakaibang bangkông disenyo ni Kenneth Cobunpue ng Cebu. Samantala, bahagi na ang bangkô ng pananalinghagang Filipino. Pinaaalalahanan ang mayabang na “huwag magbuhát ng sariling bangkô.” Kinaaawaan naman ang “nababang-kô”—ang atleta sa basketbol na hindi ipinapasok sa laban o ang dalagang hindi naaanyayahang sumayaw sa isang pagdiriwang. (LJS)

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: bangkô. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bangko/