Bangkáw

(sk. 1622)

Si Bangkáw ay datu ng Limasawa at mga karatig na lugar sa Leyte na namunò ng isang pag-aalsang pampananampalataya laban sa mga Español. Bilang pinunò ng isla ng Limasawa, malugod niyang tinanggap ang pagdating noong 1565 ng kongkistador na si Miguel Lopez de Legazpi. Isa siyá sa mga unang katutubong Filipino na nagpabinyag sa Kristiyanismo. Bilang pagkilála sa kabutihang ipinakita ni Bangkaw, nakatanggap ang datu ng isang liham ng pasasalamat mula sa Hari ng España, si Felipe II.

Noong 1622, pagkatapos ng lagpas kalahating siglo ng pagiging Kristiyano, itinakwil ni Bangkaw ang relihiyon at pinamunuan ang isang pag-aaklas sa edad na humigit-kumulang 75 taón. Dahil ipinagbawal ng mga misyonerong Español ang katutubong pananampalataya, halos lahat, maging batà, babae at matanda, ay lumahok sa pag-aalsang ito. Tinawag ng mga misyonero na demonyo ang mga diwata at bathala, at sinunog ang mga katutubong imahen. Winasak naman ni Bangkaw, ng kaniyang mga anak, at ni Pagali (isang babaylan na sinangguni ni Bangkaw tungkol sa pagbabangon) ang mga simbahang Katoliko at nagtayô ng sariling dambana para sa mga diwata. Nasupil lamang ang pagbabangon nang magpadala ng isang hukbo mula Cebu ang mga Español. Pinugutan ng ulo si Bangkaw at isang anak na lalaki, hábang binitay din si Pagali. (PKJ)

Cite this article as: Bangkaw. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bangkaw/