bangkâ

transportation, Austronesians, boats, maritime culture

Maliit na sasakyang pantubig ang bangkâ. Karaniwan itong gawa sa kahoy at ginagamitan ng sagwan. Kung minsan, may nakakabit na kawayan sa magkabilâng gilid ng bangka upang balanse ang takbo nitó sa tubig. Tinatawag ang kawayang ito na kátig. Lundáy ang pinakamaliit na bangka, parang inukang kahoy, at isa lámang ang sakay. Maaari ding kabitan ang bangka ng láyag, isang malapad na telang nagpapausad sa bangka sa pamamagitan ng hangin. Biráy ang tawag sa maliit na bangkang may layag na ginagamit sa pangangalakal. Paráw ang higit na malaki at nagkakarga ng pasahero.

Sa Butuan nahukay ang pinakalumang malalaking bangka o balangáy sa buong Asia. Ginawa ito noong taóng 320 A.D. at ginamit bilang bangkang pangkalakal sa mga sinaunang kaharian ng India, Malaysia, at China. Isa ring tanyag na sinaunang bangka ang karakoa, ang malaking sasakyang-dagat na ginamit ng mga Filipino sa digmaan. Ayon kay Padre Combes, isang Español na fraile at historyador, mas mabilis ang takbo ng karakoa kompara sa malalaking barkong gamit ng mga Español na tinatawag na galeón.

Sinasalamin ng itsura ng bangka at ng paggawa nitó ang paniniwala ng mga katutubong Filipino. May mga pamahiin tungkol sa dami ng kahoy na gamit o sa paraan ng pagkakabit nitó sa bangka. Marami ding mga ritwal ang tungkol sa bangka o pagsakay nitó. Halimbawa ang pagtatanong ng mga sinaunang Filipino sa kanilang mga anito kung ligtas ang pagpalaot o ang pagbalik sa dalampasigan. Pinaniniwalaan niláng nása kibáng o pag-ugoy ng bangka sa tubig ang sagot ng mga anito. Isa ring mahalagang ritwal ang pagtatapon mula sa balangay o bangka ng isang baul na punô ng damit ng yumao. Ginagawa ito kapag ang anak o kamag-anak ng yumao ay nagkasakit.

Bangka ang pangkalahatang tawag sa mga sasakyang pantubig. Sa Badjaw, bangka ang tawag sa mga sasakyang pantubig na hindi nila ginagamit na tirahan o lepa. Tinatawag din ang bangka na awáng sa Magindanaw, barángay sa Ilokano, at baróto sa Bikol, Mëranaw, Sebwano, at Tagalog. Bantog ang makulay na layag ang vínta sa Zamboanga. May tsínarém at mas malaking paluwá ang mga Ivatan. (DRN)

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: bangkâ. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bangka/

Related Articles