bangkâ-bangkàan

Philippine Flora, plants in the Philippines, ornamental plants, medicinal plants, traditional medicine, poisonous plants

Ang bangkâ-bangkàan (Rhoeo spathacea o Rhoeo discolor) ay halamang tumutubò sa mga tropikong bansa. Tinatawag din itong Oyster plant at Moses in a cradle.

Hindi kataasan ang halamang ito. Natatakpan ang pangunahing sanga o katawan nitó ng nagpapatong-patong na mga dahon dahil nakapalibot ang pagtubò nitó.

Kulay lungtian ang mga dahon ng bangka-bangkaan sa ibabaw at lila naman ang ilalim. Hugis espada ang mga dahon nitó na umaabot ang habà sa 6–12 pulgada ngunit hindi gaanong malapad. Buong taóng namumulaklak ang bangka-bangkaan. Kulay putî, maliliit, at may tatlong talulot lamang ang mga ito. Matatagpuan sa hugis bangka na sisidlan sa gitna ng mga dahon ang mga bulaklak.

Ang halamang ito ay ginagamit din bilang palamuti sa mga hardin o sa mga malaking bahay. Ginagamit din ito ng iba na gamot sa ubo at pagdugo ng ilong. Ang dagta ng halamang ito ay maari ring makalason. Nagdudulot ng kati at hapdi ang dagta kung madidikit sa balát o mata. Kung ito ay hindi sinasadyang makain, ito magsasanhi ng pangangati sa labì, bibig, at lalamunan, at sakit sa tiyan. (ACAL)

 

 

 

Cite this article as: bangkâ-bangkàan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bangka-bangkaan/