bangíbang
traditional music, traditional instruments, musical instruments
Ang bangíbang ay instrumentong pangmusika ng mga Ifugaw na yari sa kahoy, at hinahampas ng kaputol ng kahoy para patunugin. Nagmula ang pangalan nitó sa mismong tunog umanong nalilikha nitó. Karaniwan itong ginagamit sa mga ritwal, tulad kung may seremonya ng paghihiganti. Sang-ayon din sa tradisyon, karaniwang ang mumbaki lang ang nagpapatugtog nitó sa mga seremonya ng panggagamot o pagluluksa. Ang mumbaki ang táong nagsasagawa ng mga ritwal na panrelihiyon para sa mga Ifugaw.
Maaari ring tumukoy ang bangíbang sa sayaw pan-digma ng mga Ifugaw na karaniwang isinasagawa sa mga bayan ng Lagawe, Kiangan, Banaue, Mayaoyao, at Hungduan. Tugon ang bangíbang sa pagpaslang na nananawagan ng paghihiganti, at karaniwang ginagam-itan din ng instrumentong bangíbang. Nagsusuot ang mga lalaki at babae ng puláng dahon ng dongla, na gi-nagamit na palamuti sa pútong at pinaniniwalaang sa-grado. Madalas na tanda ito ng pakikidigma. Samanta-lang papunta sa bahay ng yumao, tumatalon-talon ang mga Ifugaw at iwinawasiwas ang kanilang mga sibat at kalasag samantalang pinatutugtog ang bangíbang. Pag-dating sa bahay ng yumao, pinalilibutan nilá ito at sakâ silá pumapalahaw ng “Ha-ha-gui-yoo.” (ECS)