banggéra

architecture, houses, ancestral houses, heritage houses

 

Ang banggéra, o kilala ring banggerahan o pingganan, ay isang nakasudlong na bahagi ng bahay, karaniwang nakakabit sa bintana ng kusina, at nilalagyan ng mga kagamitan sa kusina, mga pagkain at mga sangkap sa pagluluto, at mga nakaimbak na prutas at gulay. Tradisyonal na gawa ito sa kawayan o kahoy, may mga silat ang sahig para paghanayan ng pinggan at para hindi pamahayan ng tubig, may nakabakod na hilera ng tulos upang pagsabitan ng mga baso, at nakabukás sa init at hangin na kailangan sa mabilis na pagpapatuyo ng hinugasang pinggan.

Noong araw, ang banggera ay malimit na may tapayan ng tubig para sa paghuhugas at isa pang sisidlan ng tubig para sa inumin. Ngayong ang banggera ay maaaring sementado, karaniwang may lababo ito at gripo ng tubig. Mainam ang banggera para hindi makaestorbo ang mga pinggan at gamit sa pagluluto. Praktikal din itong taguan ng pagkain para hindi basta masalakay ng pusa o maabot ng mga paslit. (MJCT)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: banggéra. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/banggera/