bangâ at tapáyan
handicrafts, pottery, burial
Ang bangâ ay sisidlan na yari sa luad at karaniwang ginagamit bilang sisidlan ng tubig. Karaniwang katulad ito ng tapáyan, bagaman higit na malaking sisidlan ang ikalawa. Ang banga at ang tapayan ay ginagamit ding sisidlan ng iba pang bagay, gaya ng alak o alamang. Gamitín ang banga at tapayan hanggang sa kasalukuyan sa halos lahat ng bahagi ng bansa. Halimbawa, sa bahaging hilaga ng Luzon, iba’t iba ang hugis at gamit ng mga banga. Ang bornáy sa Ilocos ay may katawang malaki at matambok at bungangang makipot. Ang boyog naman na ginagamit sa Pangasinan, La Union, at Ilocos ay halos silindriko ang hugis, palapád ang ibabang bahagi mula sa bunganga. Gorgorita naman ang tawag sa bangang maliit na may mabilog na katawan at mahabàng leeg. Mas malaking bersiyon nitó ang pasig-pasig na ang karaniwang inilalagay naman ay bagoong o alamang. Ang banga ay tinatawag na buyóg sa Pangasinan, duláy sa Bikol, at tibód sa Hiligaynon at Waray.
Hindi lahat ng sisidlan ng tubig sa bansa ay yari sa luad. Halimbawa, ang soboy ng mga Tiboli (Rehiyon 12) ay yari sa pinatigas na balat ng upo. Ang kararao na karaniwang ginagamit ng mga Mëranaw sa paghuhugas ng ka-may bago at matapos kumain ay yari sa tanso.
Marami mang gamit ngayon ang banga at tapayan. Noong araw, ang isang mahalagang silbi ng tapayan ay bilang pangalawang sisidlan ng mga butó ng katawan ng mga yumaong sinaunang Filipino. Natagpuan sa Palawan ang tinatawag natin ngayong Tapáyang Manunggul. Natagpuan naman sa Saranggani ang mga sinaunang Tapáyang Maitum. (GAC)