bandurya
music, musical instruments, rondalya
Ang bandúrya (mula sa Español na bandurria) ay instrumentong pangmusika na mistulang isang maliit na gitara. Ang mga unang bandurya sa España ay may bilóg na likod at may tatlong kuwerdas na naging sampu (limang pares) sa panahong Baroko. Naging sapad ang likod nitó sa ika-18 siglo at nagkaroon ng 12 kuwerdas ang modernong bandurya. Ang bandurya ng Filipinas ngayon ay may iba-ibang laki, karaniwan ang may 14 kuwerdas at 16 bidya ngunit ang maikli ang leeg ay may 18 kuwerdas. Hinubog ito sa panahon ng mga Español at bahagi ng pangkating pangmusika na tinatawag na rondálya.
Ang buong rondalya mismo ay binubuo ng mga instumentong mula Kanluran: bandurya, gitara, oktavina, mandolin, plawta, kung minsan arpa, at nadagdagan ng modernong ukulele, akordeon, at gitarang de-koryente. Ang rondalya ay para sa tugtugang instrumental at sabayan. Gayunman, may mga bahagi ng pagtatanghal na nagtatampok sa solo ng bandurya. Karaniwang tugtog ay balse, dansa, polka, at ibang masiglang himig. (RRSC)