Banco Español-Filipino
Ang Banco Español-Filipino (Báng·ko Es·pan·yól- Fi·li·pí·no) na itinatag noong 1 Agosto 1851 ang kauna-unahang bángkong itinatag sa Maynila at sa buong Timog-Silangang Asia. Una itong tinawag na El Banco Español de Filipinas de Isabel II. Mula ang pangalan sa ina ng hari ng España noon na si Haring Alfonso XIII. Ito ay naitatag 23 taón pagkaraang ideklara ni Haring Ferdinand VII ang pagtatatag ng isang pampublikong bangko sa Filipinas.
Ang pangunahing gawain ng mga bangko sa bansa noon ay limitado lámang sa mga gawaing pampubliko o obras pias. Subalit sa paglago ng kalakalan sa bansa, nagkaroon ng malaking pangangailangan sa pera at pagpapautang. Layunin ni Haring Ferdinand VII na pataasin ang komersiyo at kalakalan sa bansa sa pamamagitan ng bangkong ito. Pormal na nag-umpisa ng operasyon ang bangko noong 1852 at ito lámang ang may ekslusibong pribilehiyo na makapaglabas ng perang papel noong 17 Oktubre 1854. Ang tawag sa unang inilabas ng perang papel ng bangko ay pesos fuertes o malakas na piso. Ito ay may de- nominasyong mula 10 hanggang 200 piso. Maaari itong ipalit sa Mehikanong sensilyong ginto at pilak.
Ang unang opisina ng bangko ay nása Casa de la Aduana Real na tinawag ding Intendencia sa loob ng Intramuros. Ito ay pinamahalaan ng dalawang halal na tagapamahalang direktor na nagpapalitan kada taón. Ito ang unang bangkong nagpautang sa pamahalaan para sa pagpapatayô ng isang pampublikong pamilihan.
Pinaikli ang pangalan ng bangko noong 3 Setyembre 1869 at tinawag itong El Banco Español de Filipinas pagkaraang mapatalsik sa kaniyang trono si Reyna Isabel II noong 1868. Subalit noong 1 Enero 1912, pinalitan ito ng pangalan upang mawala ang anumang koneksiyon ng bangko sa España. Tinawag na itong Banco de las Islas Filipinas o Bank of the Philippine Islands. Ang unang sangay nitó ay binuksan sa Lungsod Iloilo.
Sa kasalukuyan, ito ang bangkong may pinakamaraming parangal na natanggap. Noong 2005, 2006, at 2008, ginawaran ito ng The Banker bilang pinakamahusay na bangko sa Filipinas. (AMP)