Banaue

Rice Terraces, municipality, town, UNESCO World Heritage, tourism, tourist attractions

Isang munting munisipalidad ang Banaue (Ba·ná·we) sa probinsiya ng Ifugao at bantog dahil sa payyo na kasáma sa UNESCO World Heritage Sites. May lawak na 191.20 km kuwadrado, ang Banaue ay may 18 na barangay at may densidad ng populasyon na 110 bawat km kuwadrado. Pook ito ng pangkating Ifugáw na may ipinagmamalaking tradisyon sa paghabi ng tela, paglála ng basket, at paglilok. Ang mga produkto ng nabanggit na tradisyonal na sining ay isang mahalagang industriya ngayon at bahagi ng mga pang-akit sa mga turista. Mabibili ito sa mga tindahan sa palengke at paligid ng poblasyon ng Banaue. Nakatanghal din ang mga ito sa Taman, isang itinatag na huwarang nayong Ifugaw.

Bukod sa mga payyo, ipinagmamalaki din ng Banaue ang swimming pool ng Guihob at talón sa Tappiya. Ang Guihob ay mga apat na km mulang poblasyon. Kailangang lumukso-lukso sa malalaking tipak ng bato bago marating ang malinaw, malamig, at natural na paliguan. Ang Tappiya ay 30 minutong lakbayin mulang nayon ng Batad. May bumubulwak itong talon at isang malaking natural na paliguan sa ibabâ.

Ang bantog na Banaue Rice Terraces ay ang payyo katabi ng poblasyon. Ito ang nakapahiyas sa mga poster at postkard na panturista. Gayunman, isa pang maganda at higit na naaalagaang payyo ay matatagpuan sa nayon ng Batad. May 12 km ito mulang poblasyon at ipinag-mamalaki ang bukiring tila ampiteatro ang pagkakaukit sa mga bundok. (PGD)

 

 

 

 

 

Cite this article as: Banaue. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/banaue/