bának

Philippine Fauna, fish, aquatic animals, ecology, protected species, endangered species, commercial fishing, fisheries

Ang bának o talílong ay isdang nabibilang sa pamilyang Mugilidae. Ito ay makikita sa mainit at malamig na bahagi ng karagatan sa buong mundo. Kalimitan ay nása baybayin at tubig-alat. May mangilan-ngilan ding matatagpuan sa tubig tabáng tulad ng Liza abu. Ang banak ay importante sa ekolohiya at ekonomiya ng bansa.

Ang katawang ng banak ay may apat na tinik at ang malambot na palikpik sa likod ay magkakahiwalay. Ang linya sa gilid ng katawan ay bahagyang nakikita. Ang bibig ay katamtaman ang laki. Walang ngipin o maliliit ang ngipin. Ang hasang ay mahabà. May 24 hanggang 26 na bertebra. Ang mga banak ay lumalangoy na magkakasáma at kumakain ng alga, diatoms, at patay na organismo.

Maraming uri ng banak pero ang pinakakilalá ay ang Mugil cephalus Linnaeus. Ito ay matatagpuan sa malawak na bahagi ng tropiko at sub-tropikong rehiyon, sa pagitan ng latitud 42o hilaga at 42 o timog. Ang pinakamalaking naitalâ ay 100 sm at ang pinakamatanda naman ay 16 na taóng gulang. Madalas na naglalagi sa ibabaw ng buhangin at putik sa lalim na 0 hanggang 10 m. Ang babaeng banak ay maaari nang mangitlog pagkalipas ng 3 hanggang 4 na taón. Ang pangingitlog ay nangyayari sa dagat ngunit ang takdang panahon ay hindi pare-pareho at depende sa lokasyon. Ang bilang ng itlog ay 0.8 hanggang 2.6 milyon.

Ang banak ay malawakang inaalagaan sa Mediteraneo, Timog-Silangang Asia, Tai-wan, Japan, at Hawaii. Sa Filipinas, ang banak (kasáma ng bangus) ay sinimulang alagaan sa palaisdaan noong 1953. Para sa proteksiyon  at  konserbasyon  nitó, pinalabas ng pamahalaan ang Fisheries Administrative Order 139 noong 1982 na nagbabawal sa loob ng limang taón ang manghuli, bumili, magbenta, mag-alok para sa pagbebenta, pagtataglay at paglilipat ng banak o lodong sa lahat ng tubigsa loob ng bansa. (MA)

 

 

 

 

Cite this article as: bának. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/banak/

 

Related Articles