banabá
Philippine Flora, trees, trees in the Philippines, tea, diabetes, traditional medicine, medicinal plants,
Ang banabá ay isang punongkahoy, kabílang sa pamilyang Lythraceae, at may botanikong pangalan na Lagerstroemia speciosa. Ito ay may katamtamang taas na 5 hanggang 10m ngunit minsan ay tumataas hanggang 20 m. Ang kulay ng dahon nitó ay berde ngunit nagiging kulay dalandan kapag mataas ito sa corsolic acid, isang sangkap na mainam para sa may sakít na diyabetis.
Ang iba’t ibang parte nitó ay may kani-kaniyang gamit bilang alternatibong gamot. Ang ugat nitó ay ginagamit para sa mga karamdaman sa tiyan at ang mga dahon naman nitó ay ginagamit sa diyabetis at bilang diyuretiko o kayâ ay pampurga. Mahusay na tabla ang punò ng banaba.
Simple lang ang paggawa ng tsaa na maaaring inumin bilang gamot sa diyabetis at pampapayat. Kumuha ng mga dahon ng banaba at ibilad hanggang matuyo sa loob ng dalawang linggo. Durugin ang mga dahong tuyo at ilaga sa loob ng tatlumpung minuto. Kailangan ang isang tasang durog na dahon katumbas ng isang tasang tsaa.
Salain ang nilaga para maalis ang mga durog na dahon. Inumin ang tsaa. Makikita itong tumutubò sa maraming bahagi ng Filipinas, lalo na sa Batanes, Hilagang Luzon, at Palawan. (SAO)