Banáag at Síkat

novel, literature, Lope K Santos, social issues

Isang mahalagang nobela sa panitikan ng Filipinas ang Banáag at Síkat ni Lope K. Santos at nalathala noong 1906. Kinikilála itong unang katha sa Filipinas na tumalakay sa problemang Sosyalista kayâ itinuring ng isang kritiko na “Bibliya ng mga manggagawang Filipino.”

Sa salaysay, kinatawan ng magkaibigang Delfin at Felipe ang kambal na direksiyon ng kilusang obrero. Si Delfin na isang mahirap na estudyante at peryodista ay naniniwala sa mapayapa’t nagkakaisang pagkilos ng mga manggagawa. Si Felipe na anak ng asendero ay isang anarkista. Umibig si Delfin kay Meni na anak ng mayamang negosyanteng si Don Ramon. Naglayas si Felipe at umibig kay Tentay na isang maralita. Natuklasan ni Don Ramon ang relasyon nina Delfin at Meni at pinalayas ang anak. Pagkata-pos, naglibot sa ibang bansa si Don Ramon at doon pinaslang ng katulong. Si Ruperto, na nawawalang kapatid ni Tentay, ang nag-uwi sa bangkay ni Don Ramon at siyáng nagsalaysay sa kalupitan nito sa katulong. Nagwakas ang nobela sa bagong pag-asa ng dalawang pares ng magsing-ibig ukol sa ikagiginhawa ng sambayanang maralita.

May mga puna hinggil sa mahahabàng pagtatálo ng mga tauhan sa mga isyung panlipunan. Ngunit sa ganitong paraan naisiwalat ni L.K. Santos ang kaniyang naiibang kaisipan sa isang panahong hindi pa lubusang nabubuo ang unyonismo at may paghihigpit ang mananakop na Americano. Itinuturing na isang malakas na kawil ang Banaag at Sikat sa sinimulang tradisyon ng makalipunang katha nina Balagtas at Rizal. Si L.K. Santos ay lumitaw ding isang prominenteng lider obrero, nagsulat ng mga tula, kabilang ang tulang pasalaysay na Ang Pangginggera, at naging pangunahing tagapagtaguyod ng Wikang Pambansa. (VSA)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: Banáag at Síkat. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/banaag-at-sikat/