balyéna

Aquatic animals, whale, whales, mammals, endangered species, protected species

Ang balyéna ay isang malaking uri ng mammal na matatagpuan sa dagat at nabibilang sa grupo ng Cetacea. Kabilang sa grupo ng balyena ang lumba-lumba at porpoys. Magkakasámang naninirahan sa lahat ng parte ng karagatan. Ang populasyon ay tinatayang lumalago ng 3–13 porsiyento bawat taon.

May dalawang klase ng balyena ayon sa paraan ng pag-kain. Ang baleen o Mysticetes ay isang pulutong kung kumain at sinasalà ang pagkain sa pamamagitan ng mala-buhok na bahagi ng bibig na kung tawagin ay baleen. Ang balyenang may ngipin o Odontecetes ay kumakain ng mga hayop na tulad ng pusit, isda, at iba pang mammal sa tubig. Nahahanap nitó ang pagkain sa pamamagitan ng paniniktik tulad ng ginagawa ng tao. Maaaring hulíhin ang pag-kain sa pamamagitan ng ngipin o kayâ ay pagsipsip sa pagkain at paglulon nang buo. Ang mga balyena ay kilaláng napakabigat na hayop na maaaring umabot ng higit pa sa 30 m ang habà at 200 tonelada ang bigat, tulad ng blue whale o Balaenopterus musculus.

Bawat taon, libo-libong balyéna ang naiuulat sa buong mundo na sumasadsad o nababahura. Ang ilan ay namamatay sa dagat samantalang ang iba ay napapadpad sa pampang o nasisilò sa mababaw na tubig. Kapag hindi nasaklolohan, ito ay mamatay sa loob ng isa o dalawang araw. Ang dahilan ng pagsadsad ay pagkakaroon o kaku-langan ng pagkain, paninila, sugat, sakit, polusyon, pan-gingisda na gamit ay paputok, lindol sa ilalim ng dagat, at iba pa. Sa Filipinas, karaniwang naaaksidente ang mga balyena tuwing panahon ng amihan mula Nobyembre hanggang Marso kung kailan malakas ang hangin na nagdudulot ng malalakas na alon. (MA)

 

 

Cite this article as: balyéna. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/balyena/