balút, pénoy
food, cuisine, Filipino cuisine, cooking
Isang bantog na pagkaing Filipino ang balút, nilagàng itlog ng itik at pinaniniwalaang pampalakas ng katawan at pampasigla sa pakikipagtalik. Ginagamit itong pulutan sa inuman at katerno ng sitsaron. Kamakailan, nauso ang binalatán at ipinritong balút.
Ngunit hindi ito basta nilagàng itlog ng itik. Sa bayan ng Pateros, na bantog sa industriya ng balút, maingat na pinipilì ang mga itlog ng itik na kinukulob sa isang pook halimhiman sa loob ng 17–19 araw para magkaroon ng kitî o sisiw. Ngunit hindi hinahayaang mapisâ ang itlog. Pagkatapos ng naturang paghalimhim, kinukuha ang itlog na may sisiw, hinuhugasan, at inilalaga. May mahilig sa balút sa putî, itlog na kinulob sa loob ng 16–17 lámang kayâ maliit pa ang sisiw. Karaniwang bahagyang binubuksan ang balát ng isang dulo ng itlog, binubudburan ng asin, at hinihigop ang sabaw at lamán.
Ang pénoy ay nilagàng itlog ng itik na nabilíg o hindi nagkasisiw. Sa halip, nagkaroon lámang ito ng malaking masa na putî at dilaw sa loob. Kung tutuusin, para itong karaniwang nilagàng itlog ng manok. Naiiba ang penoy dahil walang tiyak na hugis ang putî at dilaw bukod sa malimit na magkahalò. May uri itong masabáw at may uring tuyô. Penoy ang pinipilì ng mga tao na hindi káyang kumain ng itlog na may sisiw. (YA)