Baltog
legends, folklore, folk stories, epic heroes
Si Baltóg ang isa sa mga tauhan sa akdang Ibalon, isang tulang pasalaysay na may bersiyong nakasulat sa wikang Español ngunit ipinalalagay na hango sa isang sinaunang alamat ng Bikol. Bahagi ito ng mga dokumentong iniwan ni Padre Jose Castaño at ayon sa tula ay isinalaysay ni Cadugnung. May palagay na ang Ibalon (may sumusulat ding “Ibalong”) ay sinaunang tawag sa Bikol.
Si Baltog, na mula sa lupain ng Botavera, ang unang lalaking nakarating sa mayaman ngunit masukal na lupain ng Ibalon. Siyá ang unang nag-araro ng lupa at nagtanim. Isang gabi, sinugod ng isang dambuhalang baboy-ramo na may pangalang Tandáyag at galing sa bundok ng Lingyon ang lupain ni Baltog. Dahil sa angking katapangan at lakas, hinanap ni Baltog ang baboy-ramo na sumira sa kanyang mga pananim. Natalo niya ang Tandayag at isinabit ang dalawang panga ng hayop sa punò ng talisay sa harap ng kanyang bahay sa Tondol. Nakita ng mga mangangaso mula sa Asog at Panicuason ang sagisag na ito ng katapangan ni Baltog at kinilála siyáng pinunò ng Ibalon. Napamunuan niya ang bayan nang may kataranugan at kaayusan.
Naging magulo ang Ibalon nang nagdalá ng lagim at pinsala ang mga pating na may pakpak, lumilipad na kalabaw, at higanteng buwaya. Dahil sa katandaan, hindi na káyang ipagtanggol ni Baltog ang Ibalon. Sinagip ni Handiong, isang kabataang mandirigma, ang pamayanan. Dahil sa naging tagumpay sa paglipol sa mga dambuhalang sumalakay sa Ibalon, hinikayat ni Baltog si Handiong na bumuo ng isang pangkat na maaaring magtanggol sa kanilang bayan. Sa puntong ito, si Handyong na ang humaliling bayani ng alamat. (CID)