Francisco “Balagtas” Baltazar

(2 Abril 1788–20 Pebrero 1862)

Itinuturing si Francsico “Balagtas” Baltazar (Fran·sís·ko Ba·lag·tás Bal·ta·zár) na “Prinsipe ng Makatang Tagalog” dahil sa kaniyang obra maestra na Florante at Laura. Itinuturing din siyáng pasimuno ng mga pagbabago sa panitikan sa loob ng pananakop ng mga Español.

Hinangaan nina Ipinanganak siyá noong 2 Abril 1788 sa Panginay, Bigaa (ngayo’y Balagtas), Bulacan sa mag-asawang Juan Balagtas at Juana Cruz. Noong batà pa siyá, ipinadalá siyá ng kaniyang ina sa isang malayong kamag-anak sa Tondo, Maynila, na siyáng nagpaaral sa kaniya kapalit ng paninilbihan sa bahay. Nag-aral siyá sa Colegio de San Jose at sa Colegio de San Juan de Letran. Ayon sa ulat, na- kalista siyáng estudyante sa Colegio de San Jose ngunit sa pangalang “Francisco Baltazar”. Ito rin ang pangalan niya sa dokumento ng kasal kay Juana Tiambeng noong 22 Hulyo 1842. Walang tiyak na paliwanag sa pagbabago ng kaniyang apelyido.

Noong 1835, umibig siyá kay Maria Asuncion Rivera, anak ng mayamang angkan sa Pandacan. Si Rivera ang pinag-alayan ni Balagtas ng tulang “Kay Celia,” ang pambungad na tula ng Florante at Laura. Gayunman, hindi sila nagkatuluyan ng dalaga. Sa Pandacan, nakulong siyá sa isang di-malinaw na dahilan. Lumaya siyá noong 1838, taón na sinasabing unang inilathala ang Florante at Laura. Lumipat si Baltazar sa Udyong (ngayo’y Orion), Bataan, at doon pinakasalan si Juana Tiambeng, anak ng isang mayamang pamilya. Nagkaroon sila ng 11 supling. Muli na naman siyáng nakulong noong 1856 kaugnay ng reklamo ng isang katulong na diumano’y ginupitan niya ng buhok sa di-malamang dahilan. Naghirap ang pamilya ni Balagtas dahil sa kasong ito. Pinagdusahan niya ang kaniyang sentensiya sa Balanga, Bataan, at nang sumunod, sa Tondo, Maynila. Hábang nása Tondo, mula 1857 hanggang 1860, nagsulat siyá ng maraming komedya para sa Teatro de Tondo. Nang makalaya, bumalik siyá sa Udyong at dito niya naisulat ang marami pang tula at komedya hanggang sa mamatay siyá noong 20 Pebrero 1862. (GSZ)

Cite this article as: Baltazar, Francisco “Balagtas”. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/baltazar-francisco-balagtas/