Clare R. Baltazar
(1 Nobyembre 1927—)
Pambansang Alagad ng Agham, si Clare R. Baltazar (Kleyr Ar Bal·ta·zár) ang tinaguriang “Ina ng Pag-aaral ng Entomolohiya sa Filipinas” at ang kaunaunahang Filipina na nagpakadalubhasa sa nasabing larangan. Sinulat niya ang librong Philippine Insects, ang unang komprehensibong pag-aaral sa mga katangian, búhay, at gawi ng mga lokal na insekto sa Filipinas. Dahil sa kaniyang natatanging kontribusyon sa pagpapaunlad ng pag-aaral ng entomolohiya sa Filipinas, iginawad sa kaniya Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist) noong taóng 2001.
Ang Hymenoptera ang isa sa pinakamalaking order ng mga insekto. Mahigit nang 130,000 na species ang natuklasan sa buong mundo at marami pa ang hindi kilála. Kabílang sa order na ito ang mga insektong putakti, bubuyog, langgam, at ilang uri ng langaw. Dahil isang tropikal na bansa ang Filipinas, napakaraming katutubong insekto na dito lámang matatagpuan. Si Dr. Baltazar ang nakatuklas ng walong genera at isang sub-genus ng Hymenoptera. Nagawa rin niyang kilalanin ang 108 na bagong species ng insektong putakti na makikita lámang sa Filipinas. Siyá ang unang Filipinang nagtangka at matagumpay na nag-ayos ng taksonomiya ng mga insektong katutubo sa Filipinas.
Naglathala siyá ng talaan at bibliyograpiya ng mga insekto sa Filipinas, A Catalogue of Philippine Hymenoptera (1759–1963). Ang pag-aaral na ito ay lumabas sa monograp na Pacific Insects noong 1966. Sinulat rin niya ang tatlo pang mahahalagang pag-aaral: ang New Generic Synonyms in Parasitic Hymenoptera (1961) na inilathala Philippine Journal Science, ang The Genera of Parasitic Hymenoptera (1962), at ang A New Genus and Nine New Species of Philippine Braconidae (Hymenoptera) (1963). Sa pamamagitan ng mga pananaliksik ni Baltazar, nagkaroon ng pagkakataon ang iba pang mga dalubhasa na maintindihan ang iba’t ibang bagong uri ng insekto sa Filipinas. Naging susi ito sa pag-intindi kung ano ang epektibong paraan ng pagkontrol sa insekto. Napaunlad rin ni Baltazar ang siyensiya at metodolohiya ng pag-aaral ng entomolohiya sa Filipinas.
Isinilang si Baltazar noong 1 Nobyembre 1927. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Siyensiya ng Entomolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1947. Nakapagtapos siyá ng master sa Siyensiya (Economic Entomology) at doktorado (Systematic Entomology) sa University of Wisconsin. Matapos mag-aral sa Estados Unidos ay nagbalik si Baltazar sa Filipinas upang magturo ng sistematikong en- tomolohiya sa UP at ipagpatuloy ang pananaliksik sa mga katutubong insekto ng Filipinas. (SMP)