bálse

dances, Spanish Influence, music

Ang bálse, tinatawag ding bals, vals o waltz, ay isang masiglang sayaw pangbulwagan at urong-sulong ang galaw ng magkaparehang magkalapit sa isa’t isa. Pangalan din ito ng musikang ginagamit sa sayaw at nása kompás itong ¾. Nagsimula ang sayaw na balse sa landler ng mga Austriyano noong mga 1800. Sinasabing ginulat nitó ang mga konserbatibong tao noon dahil sa bilis ng pagkakasayaw at sa pormang halos magkayakap ang magkapareha. Maraming bersiyon ang nabuo mula sa balse paglipas ng ilang siglo. Isa na rito ang Viennese waltz na pinauso ng mga kompositor ng mga Strauss. Nariyan din ang bersiyong Boston, na kilalá sa padausdos nitóng mga hakbang, at ang Creole waltz ng Timog America, na sinasayaw na may pagpadyak at pagpapatunog ng takong.

Ipinakilála ang sayaw na ito ng mga Español sa Filipinas at naging tanyag ang Marikina sa sayaw na ito. Ang balse marikina ay isinasayaw pagkatapos ng lutrína, na isang relihiyosong prusisyon, at sinasabayan ng musikong bum-bong. (MJCT)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: bálse. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/balse/