balsá

transportation, water, fishing, fisheries, feasts

Ang balsá ay isang transportasyong pantubig at kara-niwang nililikha sa pamamagitan ng pagkakabit-kabit ng materyales na lumulutang, tulad ng troso o kawayan, selyadong bariles, o dram. Itinuturing ito bilang pinakasimpleng disenyo ng bangka at karaniwang ginagamit ng mga táong naninirahan malapit sa mga ilog at baybayin noong unang panahon.

Ang balsa ay pinakikilos sa pamamagitan ng tikín— isang mahabàng kawayan o piraso ng tuwid at magaang kahoy na itinutukod sa pusod ng ilog at dinidiinan ng mayhawak upang kumilos ang balsa patungo sa isang direksiyon.

Sa Matabungkay, isang nayon sa bayan ng Lian, Batangas na malapit sa baybayin, ginagamit ng mga mangingisda ang balsang gawa sa kawayan upang makarating sa kanilang mga bangka na nakatali sa may look, at makabalik sa pampang dahil sa mababaw nitóng tubig. Tuwing Mayo, ipinagdiriwang nila ang Pista ng Balsa bilang pagkilála sa balsa na naging mahalagang bahagi ng lokal na industriya ng pangingisda at upang makapanghikayat ng mga turista. Nagtatapos ang pagdiriwang sa karera ng mga balsa at sa pagandahan ng mga palamuti nitó.

Sa Cagayan de Oro at Davao, popular naman ang paggamit ng mga modernong balsa na gawa sa mga elastikong materyales bilang libangan na mas kilalá sa tawag na whitewater rafting. Ginagamit ang mga ito sa paglalayag sa ilog na may magkakaibang antas ng alon. (MJCT)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: balsá. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/balsa/