Jesus Balmori
(10 Enero 1887–23 Mayo 1948)
Itinuturing na isa sa pangunahing makata ng Filipinas sa wikang Español, halos buong búhay ni Je- sus Balmori (He·sús Bal·mó·ri) ay nagugol sa pagsusulat. Kilala din siyá sa alyas na “Batikuling” na ginamit sa pagsulat ng kolum na “Vida Manileña” sa La Vanguardia na nagtatanghal sa buhay Filipino sa nakatatawang paraan bago magkadigma. Tugatog ng tagumpay niya bilang makata ang pagwawagi ng kaniyang koleksiyong Mi Casa de Nipa ng unang gantimpala sa timpalak pampanitikan ng Komonwelt noong 1938.
Isinilang si Balmori noong 10 Enero 1887 sa Ermita, Maynila at nag-aral sa Colegio de San Juan de Letran at sa Unibersidad ng Santo Tomas. Sa paaralan pa lámang ay umani na ng papuri ang kaniyang talinong pampanitikan. Napangasawa niya si Dolores Rodriguez. Noong 1904, sa gulang na 17 taón, inilathala niya ang kaniyang unang aklat ng tula, ang Rimas Malayas. Sa isang timpalak sa pagdiriwang ng Araw ni Rizal, ang kaniyang tatlong lahok na may magkakaibang sagisag ay nagwagi ng una, ikalawa, at ikatlong gantimpala. Noong 1908, ang kaniyang tulang “Gloria” ay nagtamo ng unang gantimpala sa timpalak ng El Renacimiento.
Sumulat din siyá ng mga nobela, ang Bancarrota de Almas, Se Deshojo la Flor, at Pajaros de Fuego. Natapos ang ikatlong nabanggit sa panahon ng pananakop na Hapones. Sa panahon ding ito itinanghal ang ilang dula niya sa Es- pañol.
Ipinadalá siyá sa ibang bansa bilang embahador ng pagkakaibigan at nakarating siyá sa España, Mexico, Timog America, at Japan. Nása Mexico siyá nang magkasakít at bahagyang naging paralisado. Namatay siyá noong 23 Mayo 1948 sa kanser sa lalamunan. Sinasabing namatay siyá ilang sandalî pagkatapos idikta ang kaniyang tulang “A Cristo” sa kaniyang asawa. Tula pa rin ang nilalamán ng kaniyang hulíng hininga. (PKJ)