balintong

Philippine Fauna, Pangolin, endangered species, protected species, animals in the Philippines,

Ang balintóng (Manis culionensis) ay kahawig ng reptil na may malabaluting kaliskis at walang ngipin, at matatagpuan lamang sa Palawan. Matatagpuan ito sa mga kagubatan, damuhan, at kabukiran. Maraming balintong ang makikitang magkakasáma sa mga lugar sa Palawan na tulad ng Busuanga, Culion, at Calauit ngunit nanganganib na maubos dahil sa pangangaso ng mga tao sa mga nabanggit na lugar.

Ang balintong ay madalas mag-isa at arboryal kung kayâ pinipilì nitóng manirahan sa itaas ng punongkahoy kaysa lupa. Nabubuhay ang ganitong species hanggang 20 taon. Kagaya ng anteater, mayroon itong pabilog na katawan, at pahabang nguso at buntot na ginagamit sa paghawak sa mga bagay-bagay. Ang katawan nitó ay nababalutan ng patulis at patong-patong na mga kaliskis na matingkad ang kulay at gawa sa keratin. Ang mga batàng balintong ay mayroong malalambot at hindi pa matingkad na kaliskis na tumitigas at tumitingkad habang tumatagal. Ang ilong, matá, at tiyan nitó ay hindi nababalutan ng kaliskis. May matatalim na kuko ito sa paa at mahabàng dila na punô ng malagkit at makapit na laway. Karaniwang tumitimbang ito nang 1.8–2.4 kilogramo at may habà na aabot sa 176 sm.

Ang karaniwang pagkain nitó ay mga insektong tulad ng langgam at anay. Ginagamit nitó ang matalas na pang-amoy para hanapin ang kolonya ng mga insekto. Ginagamit nitó malalaki at matatalim na kuko upang sirain ang bahay ng anay. Sakâ ilalabas ang dila para hulihin ang pagkain.

Kapag nakaaamoy ng panganib, pinoprotektahan ng balintong ang sarili pati ang anak nitó sa pamamagitan ng pagrorolyo sa sarili na parang bola habang hawak ang anak sa loob ng mga matitigas na kaliskis. Maaari rin itong maglabas ng masamang amoy para palayuin ang ibang ha-yop. Ang kilalang kalaban ng balintong ay ang mga sawa.

Ang karne ng balintong ay ginagawang putahe sa Asia, partikular sa bansang China. Habang ang kaliskis naman nito ay ginagamit na sangkap sa mga medisinang tradisyonal sa Timog Silangang Asia at ginagamit na gamot sa hika. Dahil sa patuloy na pangangaso para sa karne at kaliskis, inilista ito sa ilalim ng kategoryang Near Threatened.

Inakala noong katulad ito ng species na Manis javanica. Nagsimulang pag-usapan ang posibilidad ng pagiging bukod na species nitó noong 1998 at opisyal na kinilalang bagong species, sa tulong ng pag-aaral nina Gaubert et. al., noong 2005. Tinatawag din itong halintong, baléke, at tánggilíng. (KLL)

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: balintong. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/balintong/

 

Related Articles