balimbíng
Philippine Flora, trees, trees in the Philippines, fruits, fruits in the Philippines, politics, Philippine Politics, politicians
Ang balimbíng (Averrhoa carambola) ay isang uri ng punongkahoy na may bungang hugis tatsulok ang limang gilid. Ang punòng ito ay maliit hanggang katamtaman ang taas, karaniwang hindi tataas sa 5–12 m. Kabílang ito sa pamilyang Oxalidaceae at kamag-anak ito ng kalamias o kamias. Madali itong patubuin at palakihin at maaaring makita sa kahit saang lugar sa Filipinas.
Ang prutas nitó ay karaniwang lungtian, minsa’y manilaw-nilaw kapag hinog na at maaari nang kainin. Mataas ito sa bitamina B at C pati na rin sa Iron. Ang mga dahon at bulaklak naman nitó ay ginagamit na halamang-gamot.
Dahil sa anyo nitóng may ilang gilid, ang prutas ng balimbing ay inihahalintulad sa mga baligtaring politiko at pinunòng-bayan na madalas magpalit ng kinaaanibang partido ayon sa inaakala niláng makukuhang pakinabang dito. Ang ganitong uri ng mga politiko ay nakagawian nang bansagang balimbing na ang kahulugan ay “doble-kara.” (SAO)