baléte

Philippine Flora, trees, trees in the Philippines, mythology, Philippine Mythology, mythical creatures, traditional medicine, medicinal plants, folklore

Ang baléte (may varyant na balíte o balitì) ay isang grupo ng mga punò sa Filipinas mula sa genus na Ficus, fig tree o banyan tree sa Ingles at igos sa Español. Nagsimula ang búhay nitó bílang isang epiphyte kapag sumibol ang butó nitó sa mga bitak at siwang ng isang punò o sa isang estrukturang tulad ng gusali at tulay. Marami ang tinatawag na strangler figs, na tumitira sa simula ng búhay nila sa isang punò, pagkatapos ay kakapitan ang buong katawan ng punò, at sa hulí ay papatayin ito. Kilala rin ito bílang hemiepiphytes na nagsimula na parang halamang hangin, maraming nakalawit na ugat, na kakapit paibabâ sa lupa, at sa dakong hulí ay pupulupot sa isang punò, yayapusin ito hanggang mamatay.

Sa alamat, kasabihan, at mitolohiyang Filipino, pinaniniwalaan na maraming engkanto ang nakatira sa balete, tulad ng kapre, babaeng nakaputî, aswang, duwende, at tikbalang. Ito ay kadalasang ginagamit na tema sa mga pelikulang Filipino sa klasipikasyong katatakutan o horror.

Ang ibang klase ng balete ay naglalabas ng mahinàng kalidad ng goma. Isang halimbawa ay ang India rubber (F. elastica) na inaalagaan kahit paano para sa goma. Ang ibang uri tulad ng tangisang-bay-awak (Ficus variegata) ay malaking punò na maaaring gamitin sa paggawa ng palito ng posporo. May mga pananaliksik na ang isang uri ng F. elastica ay mayroong elemento na panlaban sa mikrobyo at kontra sa pamamaga. Ayon sa mga kuwento at alamat, ang balát ng species na F. benjamina, kasáma ang ugat at dahon nitó, ay maaaring pakuluan sa langis at gawing pampahid sa mga sugat at gasgas. Gamot din ito sa rayuma at sakít ng ulo. Itinatanim ang mga punò ng balete sa mga lagusan at daanan bílang kanlungan o habong laban sa matinding síkat ng araw. (SSC)

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: baléte. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/balete/

 

Related Articles