Balátik

Astronomy, constellations, Filipino Constellations

Ang Balátik ay isa sa mga popular na konstelasyon o lawas ng mga bituin sa buong Filipinas. Popular ito dahil madalîng mapansin sa langit kung gabing hindi maulap. Binubuo ang Balátik ng maraming bituin at natatampukan ng tatlong pinakamalaki na nakahilera at pantay ang mga layò sa isa’t isa—ang tinatawag na “Tatlong Maria” o “Tres Maria” ng mga Tagalog. Popular din ito dahil sa estratehikong lokasyon. Karaniwang makikita ang Balátik sa lahat ng bahagi ng kapuluan sa gabi mulang Oktubre hanggang Mayo. Sumisikat ito, tumatawid, at lumulubog sa mismong landas ng buwan at ng araw. Higit itong nagtatagal sa gitna o tuktok ng langit kaysa mga bituing nása hilaga at timog na pisngi ng langit.

Iniulat ni Plasencia (1589) ang Balátik at tinawag na “Osa Mayor” (Ursa Mayor ang wastong tawag at Orion’s Belt sa modernong astronomiya). Balatik din ito sa mga Bagobo, Bilaan, Magahat, Magindanaw, Bikol, at Antikenyo, Bayatik sa Mandaya, Belatik sa Manobo, ngunit Balbalaya sa Ifugaw, Binabbais sa Kankanaey, at Mabangal sa Mëranaw.

Alinsunod sa mga pag-aaral, kinuha ang pangalan ng Balátik sa pangalan ng isang uri ng bitag sa pangangaso at mababása sa mga lumang bokabularyo. Sa paglalarawan ni Scott (1994), ang sinaunang balátik ay katulad ng isang pana. Isang piraso ito ng kahoy na hinuhutok ng yantok o baging at nagsisilbing búsog; kinakasahan ng isa pang kahoy na nagsisilbing palaso o tunod, at itinatago sa dawag ng mga baging, dahon, at damo. Isa pang yantok o baging ang nakakabit sa bitag at nakaharang sa daanan. Umiigkas ang palaso at tumatama sa hayop o tao na makasagi o mapatapak sa baging na nakaharang sa daanan. Ang mga bahagi ng patibong na balátik ang waring natatanaw ng ating mga ninuno sa kabuuan ng lawas na Balátik sa langit. (VSA)

 

 

 

 

 

Cite this article as: Balátik. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/balatik/