balanggót
Philippine Flora, plants, plants in the Philippines, plants, aquatic plants, cooking ingredients, traditional medicine, medicinal plants
Ang balanggót ay halámang tubig na may hiblang nagagamit sa paglála ng banig at sombrero, kayâ’t ito rin ang itinatawag sa sombrero o banig na yari sa himaymay nitó. Tinatawag itong bangkuwang ng mga Kapampangan, baréw ng mga Waray, hamák ng mga Bikol, ikámen ng mga Ilokano, at pútok ng mga sinaunang Tagalog. Mayroon itong pangalang siyentipiko na Typha latifolia. Hindi ito katutubo sa Filipinas. Nabubúhay ang halaman sa kahit na anong uri ng klima, bagaman madalas na matagpuan ito malapit sa lawas na tubigan. Madalas din itong tumubò sa mga binabahâng lugar. Tumataas ito nang mula 1.5–3 m at may lapad na isa’t kalahating pulgada ang mga dahon.
Nakakain ang risoma ng balanggót matapos lutuin at tanggalan ng balát. Samantala, maaari namang kainin nang luto o hilaw ang binalatang tangkay nitó at punô ng dahon. Nakakain din ang mga patusok nitóng bulaklak. Gayunman, hindi inirerekomenda ang pagkain nitó lalo pa kung tumubò ito sa mga lugar na may polusyon ang tubig. Lalong hindi kinakain kapag lubhang mapait o maanghang ang lasa ng balanggót.
Ginagamit din ng ibang kultura bilang gamot ang balanggót sa mga sakit sa balát na dulot ng sugat, pasò, o pigsa. (ECS)