Balangáy

Sinaunang malaking sasakyang dagat ang balangáy na gamit sa paglalakbay at kalakalan. Ito rin ang mga sa sakyang dagat na nahukay sa Surigao noong dekada 70 at tinawag na “balanghai.” Tawag din ito sa isang pamayanang binubuo ng 30 hanggang 100 magkakalapit na pamilya na pinamumunuan ng isang datu. Malaki ang posibilidad na ang nabanggit na pagtawag sa pamayanan ay batay sa pangalan ng sasakyang-dagat.

Noong panahon ng Español, isinulat itong barangay at walang makatiyak sa paraan ng bigkas. May haka ang ilang historyador na naging barangay ang anyo ng balangay dahil hindi mabigkas nang wasto ng mga dayuhan ang orihinal. Ngunit hindi nagbago ang bigkas (ba·ra·ngáy). Gayunman, popular ngayon ang bigkas na (ba·ran·gáy) mula sa pa-Ingles na pagtukoy na naging tawag sa lokal na pamahalaan sa kasalukuyan. Nang sakupin ng mga Español ang Filipinas, ang mga nayon at ili ay tinawag na báryo mula sa Español na barrio. Sa panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, ipinahayag niya ang isang “lipunang barangay” upang bigyang halaga ang tungkulin ng pinakamaliit na yunit ng pamahalaan sa gawaing pambansa. Sinimulan niyang tawagin ang mga baryo na barangay sa bisà ng dekretong nilagdaan noong 21 Setyembre 1974. (VSA)

Cite this article as: Balangay. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/balangay/