balangáw
rainbow, mythology, Philippine Mythology, optics, meteorology, folklore
Balangáw ang sinaunang tawag sa bahaghari sa Tagalog at Ilonggo. Pangalan din ito ng katutubong bathala na si Balangáw (na binaybay ding Varangao sa ibang ulat) at sinaunang sagisag ng pag-asa. Sa ibang alamat, ang balangáw ay isang tulay na naghuhugpong sa langit at sa lupa. Nang humiling si Manik Buangsi na bumalik sa langit, lumitaw ang isang putîng kabayo upang kaniyang sakyan at ang balangáw na nakaugpong sa ulap ang isang dulo. Isang tagalangit si Manik Buangsi kayâ maaaring maglandas sa balangáw patungo sa langit. Ngunit nagdaraan sa mga pagsubok na mapanganib ang sinumang taga-lupang umakyat ng balangáw. Gayon ang dinanas ni Tuan Putli, asawang tagalupa ni Manik Buangsi, nang magpasiya itong umangkas sa kabayo paakyat sa langit. Kayâ ibinilin ni Manik Buangsi na huwag didilat at lilingon ang asawa hábang naglalakbay sa balangáw. Sinikap ihulog si Tuan Putli ng malalakas na hangin. Nakarinig siyá ng mga nakatatákot na tinig. Ngunit hindi nakatiis si Tuan Putli nang marinig ang tinig ng ina. Dumilat siyá upang makita ang ina at hinigop ng lakas pabagsak sa lupa.
Sangayon naman sa Banal na Kasulatan, ang balangáw o bahaghari ay sagisag ng pangako ng diyos na si Yahweh na hindi niya gugunawin ang lupa sa pamamagitan ng bahâ. Laking pasalamat ni Noe nang lumitaw ang makulay na balangáw pagkatapos ng napakatagal na dilubyo.
Itinuturo ng agham na ang balangáw ay isang pangyayar-ing optiko at meteorolohiko. Nagkakaroon ng bahaghari kapag nagdaan ang sinag ng araw sa patak ng ulan sa atmospera ng Lupa. Tila ito balantok o arko ng maraming kulay. Binubuo ito ng pitóng pangunahing kulay na pula, kahel, dilaw, lungtian, bughaw, puláng lila, at lila. (VSA)