bálang

insects, natural disasters, famine, agriculture, locust, insects in the Philippines

Ang bálang o locust sa Ingles ay kulisap na kawangis ng tipaklong na mabilis dumami at pumipinsala sa mga pa-nanim na tulad ng palay at mais. Isa itong grupo ng mga short-horned grasshopper mula sa pamilyang Acrididae. Nagmula ang salitang locust sa Latin na locusta na tumutukoy sa mga crustaceans at insekto.

Ilan sa mga species nitó ang Schistocerca gregaria (desert locust); Locusta migratoria (migratory locust); Nomadracis septemfasciata (red locust); Chortoicetes terminifera (Australian plague locust); Schistocerca americana (American desert locust); Locustana pardalina (brown locust); Dociostaurus maroccanus (Moroccan locust); at ang extinct na Melanoplus spretus (rocky mountain locust).

Matutukoy kung ang bálang ay lalaki o babae kapag tiningnan ang dulo ng tiyan nitó. Ang lalaking bálang ay mayroong dulo na hugis bangka habang ang babaeng bálang naman ay mayroong dalawang magkahiwalay o magkadikit na hugis ngiping balbula. Ginagamit ito ng babae sa paghuhukay ng butas na magsisilbing sisidlan ng itlog nitó.

Kapag mga nimpa (tawag sa kabataang insektong tulad ng bálang) pa lamang, bumubuo ang mga ito ng pangkat-pangkat. Kapag tigulang na, ang mga pangkat ang nagsasáma para maging kawan ng peste. Nakakayang maglakbay ng tigulang na bálang kahit sa napakalalayong lugar. Mabilis itong nakapagpaparami, nagpalipat-lipat, at naninirà ng mga bukid at pananim.

Maraming naitalang pinsala ang dulot ng bálang. Sa Bibliya, ang mga bálang ang ikawalo sa sampung pesteng sumalakay sa Ehipto. Patuloy na nakararanas ng malawakang pinsala nitó ang rehiyon ng Aprika at Gitnang Silangang Asia. Sa kabilang banda, ang mga bálang ay maaaring gawing pagkain at itinuturing na putahe sa ilang bansa. Ginagamit din ito sa mga pag-aaral ng mga siyentipiko na may kinalaman sa alfactory, visual, at locomotor neurophysiology.

Sa Filipinas, tinatawag din itong bángsi, baróngoy, bing-kí, dúdon, dúlon, dúro, dúron, éliw, kamágay, langgósta, lulón, at silíw. (KLL)

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: bálang. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/balang/