balagtásan

poetry, performance, debate, Filipino, Filipino language

Ang balagtásan ay isang debate o labanan ng katwiran sa paraang patula. Karaniwang tinatampukan ito ng tatlong makata: dalawang mambabalagtas na nagtatalo sa isang paksa at isang lakandiwa na nagpapadaloy ng palitan ng katwiran.

Isinilang ang balagtasan sa isang pulong ng Kapulungang Balagtas noong 28 Marso 1924. Iminungkahi ni Lope K. Santos ang pagdaraos ng makabagong duplo bílang pag-aalaala sa kaarawan ni Balagtas. Subalit pinansing di-angkop sa pagdiriwang ang duplo kayâ bumuo sila ng bagong anyo na tinawag nilang “balagtasan.”

Itinanghal ang kauna-unahang balagtasan sa Instituto de Mujeres noong 6 Abril 1924. Naglaban dito sina Jose Corazon de Jesus bilang Paruparo, at Florentino T. Collantes bilang Bubuyog. Si Lope K. Santos naman ang naging Lakandiwa. May iba pang mga makata na naglaban sa naturang balagtasan ngunit sina de Jesus at Collantes ang naging paborito ng madla.

Karaniwan, mga simpleng paksa ang pinagtatalunan sa balagtasan: ginto o bakal, babae o lalaki, mataba o payat, baso at tabo, sabong o kabaret, palayok o kawali. Ngunit nang lumaon, naging madalas pagtalunan ang mga makabuluhang panlipunang isyu tulad ng welgista at eskirol, manggagawa at makina, wikang Ingles o wikang Español.

Pagkatapos ng unang balagtasan, marami pa ang sumunod. Naging napakapopular ng anyong ito kung kayâ’t halos lahat ng mga kilalang makata noon ay lumahok sa pagtatanghal nitó. Nagkaroon din ng mga balagtasan kahit sa wikang Español at Ingles. Gayundin naman sa iba’t ibang wikang katutubo. May crissotan ang mga Kapampangan na isinunod sa pangalan ni Juan Crisostomo Soto na kilala bílang “Crissot.” Tinawag naman itong bukanegan ng mga Ilokano sunod sa pangalan ni Pedro Bukaneg. Noon pang 1926 ay mayroon na ring naitalâng mga pagtatanghal ng balagtasan sa Kabisayaan.

Noong 1937 naman, itinaguyod ng Kompanyang Elizalde ang balagtasan sa radyo. Maraming tinatawag na hari ng balagtasan kasunod nina de Jesus at Collantes. Ngunit si Emilio Mar. Antonio ang kinikilalang huling pambansang hari ng balagtasan. Patuloy ang pagtatanghal ng balagtasan hanggang ngayon lalo tuwing Buwan ng Wika. (GSZ)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: balagtásan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/balagtasan/