bálag
farming, agriculture
Isang estruktura ang bálag na suporta ng mga gumagapang na tanim na baging, katulad ng ampalaya, upo, beans, ubas at iba pa. Ang balag ay maaaring yari sa salá-saláng buho o kawayan na nakapatong sa apat na paang tukod. Sa tulong ng balag, ang pagtatanim sa panahon ngayon ay maaari nang sari-sari sa iisang espasyo ng taniman. Ang tawag sa pamamaraang ito ay multiple cropping at dito ay may nakatanim sa lupa at mayroon ding nakatanim na mga baging na may balag.
Dahil sa salá-saláng yari nitó, may mga metaporikong kahulugan ang salitâng “balag.” Sa Waray, ang kahulugan nitó ay “magkakrus o magkasalungat na kilos ng mga tao.” Sa Filipino, nasasalungat ang positibong kahulugan nitá bilang suporta sa kasabihang “Balag ka sa mga plano ko”—na ang ibig sabihin ay sagabal ka sa mga mithiin ng isang tao. Samantala, isang higit na matandang talinghaga ang “balag ng alanganin” para sa isang totoong kalagayan na nakabingit sa panganib. (PGD)