bakúlaw

animals, mammals, animals in the Philippines, Philippine Fauna, species

Ang bakúlaw o ugaw ay karaniwang ipinantatawag sa malaki at walang-buntot na hayop sa superpamilyang Hominoidea at ipinantatapat na Ingles na ape. May dalawang buháy na pamilya ang Hominoidea. Una, ang Hylobatidae na may apat na genera at 16 species ng gibbon. Ikalawa, ang Hominidae na binubuo ng orangutan, gorilya, chimpanzee, bonobo, at tao. Malaki ang posibilidad na karaniwang tinutukoy ng bakulaw ang gorilya, at kung sakali, orangutan, upang ibukod ang mga ito sa may-buntot at maliit na matsíng (unggoy o tsonggo).

Ang miyembro ng superpamilya ay tinatawag na hominoid. Tradisyonal na nakatahan ito sa kagubatan, bagaman may chimpanzee na lumalaboy sa savanna. Maliban sa gorilya at tao, ang mga hominoid ay mabilis umakyat ng punongkahoy at maglambi-lambitin sa mga sanga. Behetaryo o omniboro, kumakain ang mga ito ng mga dahon, nuwes, buto at laman ng prutas. Kumakain din ito ng karne ng ibang hayop (lalo na ang tao) kung makatatagpo at kung madalîng tunawin. Sa kani-kanilang natural na kaligiran, may pagkakaiba ang estrukturang sosyal ng mga hominoid. Monogamo ang mga gibbon, mapag-isa ang mga orangutan, nananahan sa maliit na pangkat ang mga gorilya na may isang tigulang na lalaking pinunò, samantalang malalaki ang pangkat ng chimpanzee, at mahilig sa iba-ibang kapartner ang mga banobo.

Sa pangkalahatan, itinuturing na matalino ang mga hominoid. May mga pag-aaral hinggil sa kakayahang lumutas ng problema ng chimpanzee. Nakagagamit din ang hominoid ng mga kasangkapan at mahusay manggaya. Halos lahat ng mga pagsusuri hinggil sa kakayahang pangwika ng hayop ay nagdudulo sa mga hominoid at “malalaking ape.” Gayunman, halos lahat ng di-táong hominoid ay nanganganib. Bunga ito ng paglalaho ng mga kagubatan, gayundin ng pangangaso. (VSA)

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: bakúlaw. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bakulaw/