baklád

fishing, fisheries

Ang baklád ay isang uri ng estrukturang pangisda na inilalagay sa may baybaying-dagat. Mistula itong malu-wang na bakod na nagsisilbing pangharang at panghúli sa mga isdang nagpapalipat-lipat sa malapit sa pampang at sa karagatan. Maaaring pansamantala o permanente ang isang baklad na inilalagay kung saan dumaraan ang mga isdang naglalakbay. Tulad ng isang bakuran, itinatayô ang mga poste ng kawayan nang may pantay-pantay na agwat. Karaniwang may pasukan ang isang baklad para sa mga is-dang nagkakawan. May matá o bútas ang lambat sa isang baklad na hindi liliit sa 3 sm.

 

Kalimitang hugis pana ang isang baklad. Maaaring um-abot ng ilang daang metro ang habà ng bawat isang tang-kay sa gilid nitó. Ang kulungan ng baklad na pansamanta-lang itinayô ay may panghatak na pukot at dalawang dulo na nakaangkla sa baybay. Nananatili ang súpot ng pukot sa mababaw na bahagi ng tubig at nagsisilbi itong lalagyan ng mga isdang nahuhúli. May isang uri naman na gawa sa kawayan, lambat at alambre, o hibla ng kawayan na ginagamit panali.

 

Sa Filipinas, saklaw ng pamahalaang lokal ang regula-syon at pahintulot sa pagtatayô ng baklad sa baybay-ing-dagat. Pinapaupahan ang isang parte ng baybay sa mga indibidwal o grupo na may sapat na puhunan para magpatayô ng baklad. Subalit may mga pagkakataóng malaki ang sukat ng baklad kayâ’t sinasakop at isinasara nitó ang malaking bahagi ng baybay. Nagdudulot ang ganitong sitwasyon ng problemang tulad ng kawalan ng espasyo para sa maayos na pagdaloy ng tubig at na-begasyon. Dahil dito, kailangan ng pamahalaang lokal ang regular na pagmonitor at pagbisita sa mga baybay-ing-dagat na kanilang nasasakupan. (MA)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: baklád. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/baklad/