bahúra
Geology, Philippine Geology, shoal, sandbar, sandbank
Ang bahúra, mula sa Español na bajura, ay umbok ng lupa o buhangin na nakadugtong sa loob ng isang lawas ng tubig o kayâ ay naghihiwalay sa dalawang bahagi gayong tubigan. Mahabà at makitid, binubuo ito ng buhangin, maliliit na bato, at iba pang maliliit na uri ng lupa na madalîng anurin ng tubig. Maaari itong lumubog o lumitaw depende sa pagtaas o pagbabâ ng tubig-dagat o sa bahagyang paggalaw ng alon. Ang mas kilaláng tawag nitó sa Ingles ay shoal, sandbar, o sandbank. Sa Filipino naman, karaniwang tinatawag itong buhanginan, hapilay, o rompeolas. Malimit namang ipantawag ito sa bangkota o coral reef ng mga hindi marunong sa Español at nag-aakala na “bahura” ang tumpok ng korales sa Español.
Maaari itong makita sa dagat bilang bahagi ng baybayin na sinasadsaran ng maliliit na bangka, sa mababaw na bahagi ng lawa, o sa gilid ng ilog. Maaari din nitóng paghiwalayan ang tubig-alat ng dagat at ang tubig-tabang. Bahura din ang guhit ng buhangin na madalas nakikita sa maluluwang na daluyan ng tubig.
Isa sa mga kilalag bahura o sandbar sa Filipinas ay ang White Island sa Camiguin. May anyo ito na parang letrang C na may makikitid na guhit ng puting buhangin sa magkabilâng dulo. Walang laman ang bahura maliban sa pinong-pinong buhangin. Madalas itong puntahan ng turista sa umaga dahil natatakpan ng pagtaas ng tubig ang buong isla pagdating sa hápon. Maaaring maabot ang maliit na isla sa pamamagitan ng bangka mula sa Barangay Yumbing ng Mambajao, Camiguin. (CID)